MENSAHE PARA SA MGA KAWANI NG PAMAHALAAN PARA SA ARAW NG PAG-ALALA KAY ANDRES BONIFACIO
Kaisa ang Komisyon sa Serbisyo Sibil sa paggunita ng ika-isang daan at animnapung anibersaryo (160) ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, Ama ng Rebolusyon at “Supremo” ng Kagalang-galangan, Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Ating ipagdiwang ang kanyang malaking ambag sa sambayanan at ang kanyang buong pusong pag-alay ng buhay sa ngalan ng kalayaan.
Si Bonifacio ay isang huwaran sapagkat siya ay nagsumikap mapaunlad ang kaniyang kaalaman at kakayahan sa gitna ng anumang pagsubok upang maitaguyod ang kanyang sarili hanggang siya ay maging respetadong pinuno ng Katipunan. Ang pagpapaunlad ng sarili upang maging responsable at kapakipakinabang na bahagi ng lipunan kagaya niya ay tungkulin natin sa ating bayan.
Siya rin ay simbolo ng masidhing pagmamahal sa bayan. Ngayong tinatamasa natin ang bunga ng kanyang sakripisyo at ng iba pang mga bayani, nararapat lamang na pangalagaan at ipagtanggol natin ang pamana nilang kasarinlan. Bilang mga lingkod bayan, gampanan natin ang ating mga tungkulin na laging isinasaisip ang pambansang interes at ang kapakanan ng ating mga kababayan.
Si Bonifacio ay ehemplo ng integridad at matatag na paninindigan. Sa kabila ng hidwaan sa kanyang mga kasamahan at pagsalungat sa kanyang pamumuno ng Katipunan, hindi natinag ang kanyang adhikain na maitaguyod ang isang demokratikong republika na may pantay na pagtingin sa bawat mamamayan. Nawa’y magsilbing halimbawa si Bonifacio sa buong hanay ng serbisyo sibil upang maglingkod na may pagpapakumbaba at bukas-loob na tinatanggap ang kritisismo mula sa publiko. Patuloy tayong magsilbi nang may dangal at katapatan upang makamit ang tiwala ng taumbayan sa ating pamahalaan.
Sa paggunita ng kadakilaan ni Andres Bonifacio, ating alalahanin na tayong mga lingkod bayan ay mayroon ding pambihirang pagkakataon na makapag-ambag sa panlipunang pagbabago. Sa pagpapamalas ng husay sa lahat ng ating gawain at sa patuloy na paglinang ng ating angking galing, maipakikita natin na tunay ngang mga bayani ang bawat kawani.
Tagapangulo Karlo A. B. Nograles
Komisyon sa Serbisyo Sibil